
Ang P10 bilyong solar farm sa Tuy, Batangas ay opisyal nang binuksan at may kasama itong malaking battery storage system. Pinangunahan ng Pangulong Marcos ang pagbubukas ng Citicore Solar Batangas 1, na may 197-megawatt-peak solar power plant at 320-MW-hour battery energy storage system (BESS).
Kayang magbigay ng kuryente ang planta sa 158,000 kabahayan at makababawas ng halos 265,000 toneladang carbon emissions kada taon. Gumagana ang mga solar panel sa araw, habang ang BESS naman ay nagbibigay ng sobra o nakaimbak na enerhiya tuwing gabi o oras ng mataas na gamit.
Matatagpuan ang proyekto sa mga barangay ng Lumbangan at Luntal sa Tuy. Ito ang kauna-unahang baseload solar farm sa bansa na kayang mag-supply ng kuryente lampas sa karaniwang oras ng araw, mula 10 a.m. hanggang 2 p.m.
Pinagsasama din dito ang solar power at agrikultura sa pamamagitan ng agrivoltaics, kung saan may mga pananim sa ilalim at paligid ng solar panels. Mas napapakinabangan ang lupa, mas lumalaki ang kita ng magsasaka, at mas napapalakas ang food security.
Layunin ng kumpanya na makamit ang 5,000 megawatts renewable energy bago sumapit ang 2030. Samantala, target ng gobyerno na itaas ang bahagi ng renewables sa 35% pagsapit ng 2030 at 50% sa 2040.