Ang sunog ay sumiklab sa Happyland, Barangay 105, Tondo nitong Sabado ng gabi. Nagsimula ito pasado alas otso at agad umabot sa Task Force Bravo bago mag-11:00 p.m.. Mahigit 28 firetrucks ang rumesponde para apulahin ang apoy.
Ayon sa ilang residente, mabilis kumalat ang apoy at maraming gamit ang nawala. Kwento ni Lorie Mae Cansino, kinailangan niyang tumakbo mula Moriones papuntang Happyland nang mabalitaan ang insidente. “Sobrang hirap, marami pang nawalang gamit. Puro nakaw pa, pero at least ligtas kaming lahat,” aniya.
Dagdag pa ni Cansino, mahirap ang sitwasyon lalo na’t siya ay nagbubuntis. “Sana matulungan kami ng gobyerno para makalipat agad,” sabi niya.
Tinatayang daan pamilya ang nawalan ng tirahan at gamit. Sa nakaraang sunog nitong Agosto 6, umabot sa 4,000 katao o 873 pamilya ang naapektuhan. Ngayon, muling humaharap ang mga residente sa malaking dagok at umaasa ng tulong para makabangon.