
Ang Department of Justice (DOJ) ay bumuo ng espesyal na task force para imbestigahan ang alegasyon ng korapsyon at bid-rigging sa mga flood control projects, ayon kay dating NBI Director Jaime Santiago.
Si Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang mamumuno sa Public Works Corruption and Bid-Rigging Task Force, habang ang NBI Public Corruption Division naman ang magiging pangunahing imbestigador. Habang binubuo pa ang task force, iniutos na ni Santiago sa mga opisyal na simulan agad ang trabaho lalo na sa mga lugar na binisita ng Pangulo.
Inihayag ni Santiago na nagsasama-sama na ang mga ulat mula sa mga regional offices ng NBI at inaasahang maisusumite sa DOJ sa darating na linggo. Aniya, posibleng sa Martes o Miyerkules ay makumpleto na ang ulat.
Tungkol naman sa contractor na mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, sinabi ni Santiago na dadaan pa sa masusing pag-aaral kung dapat silang ilagay sa witness protection program. Dagdag pa niya, hindi dapat ituring na “gospel truth” ang kanilang testimonya at dapat patas ang imbestigasyon.
Bukas din ang DOJ sa iba pang whistle-blowers at tiniyak na lahat ng impormasyon ay susuriin at ibeberipika. Iginiit ni Santiago na kung sino man ang madadawit sa anomalya, kahit pa tumanggi silang umamin, ay mananagot base sa resulta ng imbestigasyon.