
Ang isang 36-anyos na buntis at ang kanyang 34-anyos na kapatid ay patay matapos pagbabarilin sa loob ng inuupahang bahay sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City, gabi ng Miyerkoles, September 10. Sugatan din ang kanilang 33-anyos na kaibigan.
Ayon sa pulisya, dalawang lalaki na naka-helmet at jacket ang bumaba mula sa isang motor at pumasok sa bahay. Parehong may baril ang mga suspek at agad na nagpaputok. Sa CCTV, rinig ang sunod-sunod na putok malapit sa lugar ng insidente.
Kwento ng kapatid ng mga biktima, gulat na lamang sila nang makita ang dalawa nang nakabulagta. Ang buntis ay galing pa sa Tarlac upang dumalo sana sa kaarawan ng kanyang pamangkin. Ayon sa ama, nakatanggap umano ng banta ang kanyang anak na may tatlong araw na palugit bago ito pagbabarilin.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at sinusubukang tukuyin ang mga salarin. Wala pang malinaw na motibo ang nakikita sa krimen.