
Ang British boxing legend Ricky Hatton ay pumanaw sa edad na 46. Ayon sa pulisya sa Manchester, natagpuang wala nang buhay si Hatton sa kanyang tahanan sa Hyde. Sinabi nilang hindi kahina-hinala ang kanyang pagkamatay.
Si Hatton ay dating world champion sa light welterweight at welterweight division. May tala siya na 45 panalo (32 knockout) at 3 talo sa loob ng 15-taong karera. Nakatapat niya ang mga sikat na boksingero tulad nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. Pinakamaganda niyang laban ay noong 2005 nang talunin niya si Kostya Tszyu para makuha ang IBF title.
Taong 2007, napatumba siya ni Mayweather, at noong 2009, natalo siya kay Pacquiao sa second round knockout, kung saan nawala ang kanyang IBO at The Ring titles. Huling lumaban si Hatton noong 2012 laban kay Vyacheslav Senchenko kung saan natalo siya sa ninth-round knockout.
Bukod sa ring, naging bukas si Hatton tungkol sa kanyang laban sa depression, alak, at droga. Noong 2016, inamin niyang ilang beses siyang nagtangkang kitilin ang sariling buhay. Dapat sana ay babalik siya sa laban ngayong Disyembre para sa kanyang comeback fight sa Dubai.
Si Hatton ay kilalang Manchester City fan at madalas nagsusuot ng sky blue shorts bilang suporta. Maraming boksingero at fans ang nagbigay pugay sa kanya at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya at kaibigan.