
Ang 911 emergency call system ay opisyal nang gagamitin sa buong bansa simula Setyembre 11. Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), papalitan nito ang mahigit 30 lokal na hotline na matagal nang ginagamit sa iba’t ibang lugar.
Matagal nang nagkaroon ng problema ang bansa dahil sa magkakaibang numero, kaya nahihirapan ang mga tao kung sino ang tatawagan at nagiging mabagal ang response time. Sa 911, lahat ng tawag para sa pulis, bumbero, ambulansya, disaster response, at iba pa ay dadaan na sa isang integrated network na konektado sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Libre ang serbisyo, bukas 24/7, at puwedeng gumamit ng Tagalog, Cebuano, Ilocano, Waray, Tausug, at iba pang wika. Target ng DILG na may 5 minutong tugon sa bawat tawag. Kasama rin sa bagong sistema ang geolocation tools at kakayahang mag-live stream para sa mas mabilis na aksyon.
Naunang inilunsad ang partial rollout nito noong Hulyo 2025 sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Visayas, Bangsamoro, at ilang probinsya sa paligid ng Cavite, Laguna, at Rizal. Sa bagong sistema, inaasahang mas mabilis, malinaw, at pantay ang serbisyong pang-emerhensiya para sa lahat ng Pilipino.
Noong 2018, ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na gawing pambansang numero ang 911 kapalit ng Patrol 117, at nagsimula itong gumana noong 2020. Sa ilalim ng DILG, inatasan ang mga lokal na pamahalaan na pondohan at magpatakbo ng kani-kanilang 911 centers.