Ang mga anti-narcotics agents ay nakasabat ng 151 kilo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P227 milyon sa isang operasyon sa NAIA Terminal 3 sa Pasay.
Ang kontrabando ay nakatago sa anim na maleta mula sa isang magkasintahan na galing Thailand noong Linggo. Nakilala ang mga suspek bilang Jenet at Bryan na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Dalawang baggage loader ang inaresto matapos hindi ipadaan sa X-ray machine ang mga maleta at diretsong inilagay sa conveyor. Nang isailalim sa X-ray, lumabas na puno ito ng ilegal na droga.
Ayon sa imbestigasyon, may iba pang sangkot na sina Cyril at Erwin, na hindi regular na empleyado ng paliparan. Patuloy ang background check sa magkasintahan pati na sa kanilang travel documents.