Ang halos 700,000 piraso ng iligal na sigarilyo na tatak Carnival ang nasamsam sa Luzon sa loob ng dalawang buwang kampanya ng gobyerno. Pinangunahan ito ng CIDG at iba pang ahensiya sa ilalim ng Oplan Megashopper.
Nagsimula ang operasyon noong Hulyo sa Quezon City, kung saan naaresto ang isang 29-anyos na online seller at nasamsam ang 20,000 piraso ng yosi. Sinundan ito ng mga operasyon sa Bamban, Tarlac (37,000 piraso); Cavite (50,000 piraso); San Simon, Pampanga (520,000 piraso ng Carnival Menthol); Orion, Bataan (10,000 piraso); Dinalupihan, Bataan (20,000 piraso); at Angeles City (22,000 piraso).
Inihahanda na ang mga kasong kriminal laban sa lahat ng suspek. Haharapin nila ang paglabag sa Tobacco Regulation Act of 2003, Graphic Health Warning Act, Intellectual Property Code, at iba pang batas laban sa smuggling at economic sabotage.