Ang Bureau of Customs (BOC) ay hahabol sa ilang luxury cars ng pamilya Discaya na hindi nabayaran ng tamang import duties at buwis.
Nakatakda ang BOC na ilabas ang partial report sa Martes, Setyembre 9, tungkol sa 28 luxury vehicles na nasa kustodiya nila matapos matukoy sa inisyal na imbestigasyon na hindi bayad ng tamang buwis ang mga ito.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, kung mapatunayan na ang pamilya Discaya ay bumili ng mga sasakyan gamit ang falsified documents, mananagot sila sa batas. Kung bumili naman sa mga dealers, puwedeng kasuhan ng BOC ang dealers, at puwede ring magsampa ng kaso ang Discaya laban sa dealers dahil kukumpiskahin ang mga sasakyan para sa gobyerno.
Inaalam din ng BOC ang posibleng involvement ng Customs personnel para makapasok ang mga sasakyan sa bansa. Sa ngayon, may 28 luxury cars na hawak ng BOC; 16 ang isinurender ng Discaya noong Setyembre 4, habang ang naunang 12 ay kinuha sa kanila sa pamamagitan ng search warrants para sa beripikasyon kung nasunod ang Customs Modernization and Tariff Act.
Ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay kabilang din sa iniimbestigahan ng Senado kaugnay ng diumano’y anomalya sa flood control projects.