
Ang totoo, hanggang ngayon ay dala ko pa rin ang sakit na iniwan ng mister ko. Limang taon na ang nakalipas mula nang mahuli ko siyang nangaliwa. Sinasabi ko sa sarili ko na pinatawad ko na siya, pero tuwing bumabalik sa isip ko ang nangyari, hindi ko mapigilan ang galit.
Hindi sa pagyayabang, pero alam kong maganda ako. Noong bata pa ako, ilang beses akong inalok na maging model pero tinanggihan ko dahil mas pinili kong mag-focus sa pamilya. Maayos ang buhay namin, masaya, at wala akong ideya na magagawa niyang ipagpalit ako sa ibang babae. Ang masakit pa, ipinagpalit niya ako sa babaeng sa paningin ko ay pangit. Oo, hindi ko gustong manlait pero ganito talaga ang hitsura niya: malaki ang bunganga at usli ang ipin. Sobrang sakit dahil iniwan niya ako para sa taong hindi ko naman inaasahan na makakaagaw sa akin.
Isang buwan lang ang lumipas, bumalik ang mister ko. Lumuhod siya sa harap ko at humingi ng tawad. Sabi niya, nadala lang daw siya at nagsisisi siya sa ginawa niya. Dahil mahal ko siya at dahil sa mga anak namin, pinili kong patawarin siya. Bumalik siya sa bahay at sinubukan naming ayusin ang pagsasama.
Pero hindi pala gano’n kadali. Kapag tahimik ang gabi at bigla kong naaalala ang kataksilan niya, para bang nasasakal ako sa galit. Naiisip ko kung bakit niya ako ipinagpalit sa pangit, gayong alam kong wala akong pagkukulang bilang asawa. Hindi ko siya iniwan kahit minsan, lagi akong nag-aalaga at nagsusumikap para sa pamilya.
Sabi nila, ang tunay na pagpapatawad ay dapat may kasamang paglimot. Pero paano kung hindi ko makalimutan? Paano kung bawat alaala ng pangyayaring ‘yon ay parang sugat na muling bumubukas? Madalas akong magdasal at humihingi ng tulong sa Diyos na alisin ang galit na nararamdaman ko. Gusto kong magpatuloy, gusto kong maging buo ulit ang puso ko.
Kaya ngayon, ito ang aking confession: Pinatawad ko na ang mister ko, pero hindi ko pa kayang kalimutan ang sakit. Naghihintay ako ng araw na tuluyan nang maglalaho ang galit at mananatili na lang ang pag-ibig. Hangad ko na dumating ang panahon na mas pipiliin ko ang kapayapaan kaysa paulit-ulit na pagbabalik sa nakaraan.