
Ang totoo, pagod na rin ako. Nasa early 30’s na ako at ganoon din ang asawa ko. Siya ay isang seaman at ako naman ay stay-at-home mom. Karamihan ng kinikita niya ay napupunta sa allotment, pambayad ng bills, at gastusin araw-araw. Hindi kami maluho at sinisigurado naming maayos ang buhay ng mga anak namin. May sarili kaming bahay kaya kahit papaano, kampante na ako.
Pero ang hirap talaga minsan kasi sobrang moody ng asawa ko. Kapag ako galit, mas galet pa siya. Hindi siya marunong magparaya. Kaya kahit ako na ang nasasaktan, ako pa rin ang unang lumalapit at humihingi ng pasensya. Minsan, kaya niyang hindi ako pansinin ng isang linggo. Ang bigat sa pakiramdam kasi asawa ko siya, pero parang ako pa lagi ang may kasalanan.
Ang pangarap ko lang naman ay isang masayang at kumpletong pamilya. Kaya kahit ang hirap, ipinapasa-Diyos ko na lang lahat. May mga isyu pa dati—may nag-chat sa akin tungkol sa isang babae na kasama daw ng asawa ko sa barko. Pero wala naman ebidensya, kaya iniisip ko baka gawa-gawa lang ng taong naninira. Kahit ganun, syempre bilang misis, hindi mo maiwasang masaktan at magduda.
May mga oras na gusto ko nang sumuko. Pero kapag nakikita ko ang mga anak ko, naiisip ko na kailangan kong maging matatag. Ayokong sila ang maapektuhan sa away naming mag-asawa. Kaya kahit paulit-ulit, ako pa rin ang nauunang magpakumbaba. Hindi dahil mahina ako, kundi dahil mas pinipili kong buuin ang pamilya namin kaysa masira ito.
Kaya eto ako ngayon, nagkukumpisal. Pagod na ako pero hindi ako sumusuko. Kumakapit ako sa taas at naniniwala na baka dumating din ang araw na magbabago siya. Mahal ko pa rin ang asawa ko kahit minsan pakiramdam ko ako lang ang lumalaban. Ang dasal ko lang, sana isang araw matutunan din niyang pahalagahan ang effort at pagmamahal na binibigay ko.