Ang isang Pinay ay nailigtas matapos sapilitang ipasok sa prostitusyon sa Malaysia dahil sa pekeng utang na ₱200,000. Ayon sa Bureau of Immigration, ito ay malinaw na kaso ng debt bondage o pagkakakulong sa utang na gawa-gawa ng mga recruiter.
Ang biktima, 30 taong gulang, ay tatlong buwan nagtrabaho sa isang prostitution hub nang walang sahod at walang pagkain o allowance. Kinuha rin ng kanyang Chinese employer ang lahat ng kanyang travel documents at pinalabas na may utang siya na ₱200,000 bilang bayad sa kanyang recruitment.
Bago ito, pinangakuan ang Pinay ng trabaho bilang waitress sa Malaysia. Sa halip na dumaan sa eroplano, siya at dalawa pang babae ay iligal na dinala sa Kota Kinabalu mula Tawi-Tawi sakay ng bangka noong Mayo 29.
Matapos humingi ng tulong sa Philippine embassy, nakabalik ang biktima sa bansa noong Agosto 26 sakay ng isang komersyal na flight mula Kuala Lumpur.
Ayon sa ahensya, bibigyan ng tulong ang biktima habang ang mga recruiter at human traffickers ay sasampahan ng kaso upang papanagutin sa kanilang ginawa.