Ang isang dating pulis sa France na galing sa child protection unit sa Marseille ay haharap sa trial sa Lunes dahil sa umano’y panggagahasa at pang-aabuso sa mga batang Filipino sa lansangan.
Ang 46-anyos na ex-pulis, na nakapiit na ng apat na taon, ay naaresto matapos ireklamo ng isang youth shelter na isang 17-anyos na residente, biktima ng panggagahasa, ay nakakatanggap ng hindi angkop na mensahe tuwing gabi mula sa dating opisyal.
Sa isinagawang raid sa bahay ng pulis noong Hunyo 2021, nakuha ang libo-libong larawan ng child pornography. Lumawak ang imbestigasyon sa Pilipinas, kung saan taun-taon siyang pumupunta bilang pinuno ng isang charity para sa mga batang lansangan sa Maynila.
Dalawang batang lalaki, 12 at 15 taong gulang, ang nagsabing binayaran sila ng ilang daang piso para sa sekswal na gawain sa isang bakanteng lupa at sa apartment ng lalaki.
Sinabi ng abogado ng isa sa mga organisasyon, “Ito ay isang planong may malisyosong layunin – nagpapakita siya bilang tagapangalaga ng bata pero kabaligtaran ang ginawa.” Ang trial sa Aix-en-Provence ay matatapos sa Huwebes.