
Ang isang kotse sa Sitio Payong, Barangay Dalig, Antipolo ay nadaganan ng gumuhong pader habang bumubuhos ang malakas na ulan nitong Linggo, Agosto 24, 2025. Sugatan ang 32-anyos na pasahero, habang ligtas naman ang kanyang asawa at 1-taong gulang na anak.
Ayon sa driver na si Exequiel Santillan, bigla nilang narinig ang malakas na dagundong bago bumagsak ang pader. Tinamaan sa ulo at kamay ang kanyang asawa, ngunit ligtas ang kanilang anak matapos yakapin ng ina. Sinabi rin ni Santillan na maayos ang CT scan ng kanyang asawa.
Saksi naman ang residente na si Patricia Wong sa aksidente. Dahil sa makapal na fog at abot-tuhod na baha, hirap silang makita ang daan. Kwento niya, agad inilipat ng driver ang kanilang anak at asawa sa gilid kahit malakas ang agos ng tubig.
Paliwanag ng kapitan ng Barangay Dalig na si Loni Leyva, nasa low-lying area ang lugar kaya lahat ng tubig mula sa mataas na bahagi ay dumiretso pababa at tumulak sa pader. Ang gumuhong bahagi ay may habang 20 metro at taas na 10 talampakan.
Ayon sa barangay, 20 taon na ang pader na pag-aari ng isang pribadong subdivision. Kasalukuyan na itong inaayos at ipapacheck sa City Engineering Office para matiyak ang kaligtasan ng lugar.