
Ang Sen. Jinggoy Estrada ay nanawagan kay Sarah Discaya, dating kandidato sa Pasig, na isiwalat kung sino ang contact niya sa DPWH na tumulong para makuha ng kompanya nila ang flood control contracts. Ayon kay Jinggoy, may posibilidad ng collusion o sabwatan sa pagitan ng mga kontratista at DPWH officials.
Ayon sa datos, tanging 15 kontratista lamang ang nakakuha ng halos P100 bilyon o 20% ng mahigit 10,000 flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025. Kasama dito ang St. Timothy Construction na konektado sa mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya.
Nagbabala si Estrada na hihilingin niya sa Senate Blue Ribbon Committee na maglabas ng warrant of arrest para sa mga kontratistang patuloy na umiiwas sa pagdinig ng Senado. Nakapirma na ang subpoena para sa mga pinuno ng iba’t ibang construction companies upang dumalo sa susunod na hearing sa Setyembre 1.
Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na may mga natuklasang “ghost projects” sa Bulacan at iniimbestigahan na ito. May hinala rin na may mga opisyal at contractor na kumukuha ng advance kickback bago pa man magsimula ang proyekto.
May panawagan din ang ilang kongresista na imbes na ang Senado o Kamara ang mamuno, mas mainam na isang independent commission ang humawak ng imbestigasyon para masigurong walang bias at patas ang resulta.