
Ang makasaysayang panalo ni Alex Eala sa unang round ng US Open ay umani ng papuri mula sa kanyang mga coach dahil sa ipinakitang lakas ng loob at determinasyon.
Si Eala ang unang Pilipino na nanalo sa isang Grand Slam singles match matapos talunin ang 14th seed Clara Tauson ng Denmark, 6-3, 2-6, 7-6 (13/11).
Ayon kay coach Joan Bosch mula sa Rafa Nadal Academy, "Napakagandang panalo ito. Ang unang set ni Alex ay isa sa pinakamaganda niyang nilaro." Kahit lamang si Tauson sa ikatlong set, 5-1, nagpakita si Eala ng matinding laban at nagtuloy sa tiebreaker na kanya ring naiuwi.
Nagpahayag din ng saya ang assistant coach na si Lluc Bauzà, na binigyang-diin ang matagal na training sa fitness ni Eala. "Matagal na naming pinaghahandaan ang kanyang kondisyon. Magaling na siyang gumalaw at tapos na rin ang kanyang shoulder recovery bago ang US Open," sabi ni Bauzà.
May dalawang araw na pahinga si Eala bago ang susunod na laban. Haharapin niya ang mananalo sa laban nina Cristina Bucsa (World No. 95) at Claire Liu ng Amerika.