
Ang konsulado ng Pilipinas sa New York ay patuloy na nagbabantay sa nangyaring aksidente ng isang tour bus sa I-90 highway, malapit sa Pembroke, New York. Kumpirmado ng DFA na may mga Pilipinong pasahero na kabilang sa mga biktima ng insidente noong Agosto 22, kung saan lima ang namatay at dose-dosenang iba pa ang sugatan.
Ayon sa pulisya, 54 na pasahero ang nasa loob ng bus, karamihan ay mula sa India, China, at Pilipinas. Ang edad ng mga pasahero ay mula 1 hanggang 74 taong gulang. Ilang pasahero ang tumilapon palabas ng bus, ngunit walang batang nasawi.
Paliwanag ng awtoridad, posibleng nadistract ang driver at nawalan ng kontrol sa manibela. Hindi umano sanhi ng mekanikal na problema o alak ang aksidente. Sinabi rin ng mga otoridad na maraming pasahero ang hindi nakasuot ng seatbelt.
Agad na rumesponde ang mga rescue team, ambulansya, at helicopter para mailigtas ang mga biktima. Ang iba ay agad na ginamot at nakalabas na ng ospital, habang ang ilan ay nananatiling nagpapagamot.
Nagpahayag ng pakikiramay ang DFA at tiniyak na handa silang magbigay ng tulong sa mga Pilipino o pamilya ng mga biktima. Para sa mga nangangailangan, maaaring tumawag sa Assistance-to-Nationals Hotline: (917) 294-0196.