Ang utos ng Bangko Sentral na alisin ang links ng e-wallets papunta sa online gambling ay nagresulta ng 50% pagbaba sa legal na online sugal mula Agosto 17 hanggang 19, ayon sa PAGCOR. Kabilang sa mga e-wallet apps na sumunod ay yung malalaking ginagamit ng mga Pinoy.
Pero ayon sa survey, habang bumaba ang legal na sugal, 40% naman ang dumami sa paggamit ng mga iligal na sites. Ibig sabihin, hindi tuluyang bumaba ang online gambling, kundi lumipat lang ang mga manlalaro sa mas delikadong platforms.
Aminado ang PAGCOR na 60% ng operators ay iligal at mahirap silang kontrolin. Kahit mahigit 8,000 sites na ang napatigil, mabilis pa rin silang bumabalik gamit ang bagong pangalan o account. Pati mga menor de edad ay nakakapaglaro sa mga ito.
Sa kabila ng issue, malaki pa rin ang kinita ng ahensya mula Enero hanggang Hunyo 2025 — ₱114.83 bilyon mula sa online gaming revenue, na bahagi ay napupunta sa universal healthcare at iba pang social services ng gobyerno. Gayunman, may ilang mambabatas na naniniwalang mas mabigat pa rin ang social costs ng sugal kaysa sa kita nito.