
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagbabala sa mga benepisyaryo ng ayuda na huwag itong gamitin sa sugal. Ayon sa ahensya, ang pondong ibinibigay ay para sa pangangailangan ng publiko at hindi dapat ilustay sa anumang uri ng pagsusugal.
DSWD Secretary Rex Gatchalian ay nagpaalala na ang mga lalabag ay maaaring ma-disqualify at tanggalin sa programa, lalo na kung patuloy na ginagamit ang cash aid sa maling paraan. Inatasan din ang mga implementer na tiyakin ang mahigpit na monitoring at agarang aksyon sa mga reklamo ng paglabag.
May iba’t ibang cash aid programs ang DSWD. Sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), ang mga nangangailangan ay maaaring makatanggap ng tulong medikal, pang-edukasyon, pamasahe, pagkain, materyal, o cash assistance. Mayroon ding Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) para sa mga minimum at below-minimum wage earners, na nagbibigay ng one-time cash aid hanggang ₱10,000.
Kabilang din ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nagbibigay ng conditional cash grants sa mahihirap na pamilya, lalo na sa mga magsasaka, mangingisda, walang tirahan, at mga pamilyang may buntis o anak na wala pang 18 taong gulang. May mga programa rin para sa indigent senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at mga walang trabaho.
Ayon kay Gatchalian, ang lahat ng cash aid programs ng DSWD ay nakatuon para makatulong sa mga Pilipinong kabilang sa marginalized sectors at para maibsan ang kahirapan. Ang pahayag na ito ay kasunod ng mas pinaigting na aksyon laban sa online gambling at posibleng mas mahigpit pang regulasyon mula sa Kongreso.