Ang isang magnobyo sa Trece Martires City, Cavite ay nasa kritikal na kondisyon matapos silang pagsasaksakin ng ex-boyfriend ng babae habang kumakain sa loob ng kanilang bahay.
Kinilala ang mga biktima bilang sina “Rich”, 39-anyos, tricycle driver, at “Grace”, 36-anyos, kapwa residente ng Sunshineville Subdivision sa Brgy. Cabuco.
Agad namang naaresto ang suspek na si “Ardin”, 34-anyos, isang factory worker at dati ring kinakasama ng babaeng biktima.
Ayon sa pulisya, pasado alas-2:45 ng hapon nang pumasok ang lasing na suspek sa bahay ng mga biktima at bigla na lamang silang inundayan ng saksak. Hindi na nakatakbo ang magdyowa at nagtamo sila ng maraming sugat sa katawan.
Agad silang dinala sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital kung saan patuloy silang inoobserbahan. Sa imbestigasyon, lumabas na dating mag-live in sina Ardin at Grace, ngunit ngayo’y karelasyon na ng biktimang si Rich.