
Ang Thai superstar na si Lisa mula sa K-pop group na Blackpink ay naglabas ng maikling pelikula para sa kanyang kanta na "Dream". Kasama niya rito ang Japanese actor na si Kentaro Sakaguchi sa isang kwento ng pag-ibig at pagkalungkot.
Sa limang minutong video na in-upload sa YouTube channel ng kanyang label, makikita si Lisa sa isang lamay, kung saan muling nagtagpo ang landas nila ni Sakaguchi. Sumakay silang dalawa sa kotse at ipinakita ang mga eksena sa black-and-white na nagbabalik sa kanilang nakaraan, na nagtapos sa isang masakit na twist.
Bago magsimula ang short film, nagbigay ng mensahe si Lisa na nagsabing espesyal sa kanya ang "Dream". Aniya, ito ay kwento ng pag-ibig, pagkawala, at totoong damdamin. Pinuri rin niya si Sakaguchi bilang isang mahusay na aktor na tumulong para buhayin ang kwento.
Ang "Dream" ay isang malambing na ballad na nagsasara sa kanyang unang solo album na "Alter Ego", na inilabas nitong Pebrero. Noong Mayo, bumisita si Sakaguchi sa Pilipinas para sa fan meeting. Samantala, nakatakda namang bumalik si Lisa sa bansa sa Nobyembre kasama ang Blackpink para sa dalawang araw na concert sa Philippine Arena, kung saan ang presyo ng ticket ay naglalaro mula ₱5,000 hanggang ₱20,000.