
Ang lasing na lalaki sa Brazil na si Isaque dos Santos Pinho ay hindi inaasahang nakasali sa 8-kilometrong takbo habang nakasuot lang ng tsinelas. Galing siya sa inuman, may hangover, at gusto lang sanang pagpawisan para gumaan ang pakiramdam. Wala siyang rehistro sa race pero sumama pa rin sa takbuhan.
Pagdating sa finish line, kahit nahuli at medyo pagewang-gewang, tinapos pa rin niya ang 8KM. Kahit hindi opisyal na kalahok, binigyan siya ng medalya bilang pagkilala sa kanyang pagsisikap. Agad na nag-viral ang kanyang video at marami ang naging interesado sa kanyang kwento.
Nalaman ng publiko na si Isaque ay dating palaboy at matagal nang nalulong sa alak. Ngunit dahil sa viral video, nagsimulang dumating ang mga donasyon tulad ng running shoes, damit, at salamin. May mga professional runner na nag-imbita sa kanya para mag-training, at inimbitahan din siya ng lokal na pamahalaan na sumali sa susunod na karera.
May mga concerned citizen na nagtutulungan para mabigyan siya ng tirahan. Mula noong araw na iyon, tumigil na si Isaque sa pag-inom at araw-araw nang nag-eensayo. Ayon sa kanya, determinadong ayusin ang buhay at hindi na susuko.