
Ang Straw Hat Pirates ay muling magbabalik para sa panibagong pakikipagsapalaran matapos kumpirmahin ang paggawa ng One Piece Season 3 kahit hindi pa nailalabas ang Season 2. Inanunsyo ito noong Agosto 10 sa One Piece Day sa Tokyo, Japan.
Sisismulan ang produksyon ng Season 3 sa huling bahagi ng 2025 sa Cape Town, South Africa. Makakasama si Ian Stokes bilang co-showrunner kasama ni Joe Tracz para sa bagong season.
Naglabas din ng unang sulyap sa Season 2, kung saan ipapakita ang pagbabalik ng Straw Hat Pirates na may layuning marating ang Grand Line. Ayon sa opisyal na buod, haharap sila sa mas mababangis na kalaban at mas mapanganib na misyon habang naglalakbay sa kakaibang mga isla at nakakatakot na mga kaaway.
Kasama pa rin sa kwento si Monkey D. Luffy (Iñaki Godoy) at ang kanyang crew na sina Roronoa Zoro (Mackenyu), Nami (Emily Rudd), Usopp (Jacob Romero), at Sanji (Taz Skylar). Gaya ng ipinakita sa nakaraang teaser, magde-debut na rin ang paboritong Tony Tony Chopper.
Ilan sa mga bagong karakter ay sina David Dastmalchian bilang Mr. 3, Katey Sagal bilang Dr. Kureha, Sendhil Ramamurthy bilang Nefartari Cobra, at Joe Manganiello bilang Mr. 0.