Ang Iligan City Mayor Frederick Siao ay naglabas ng Executive Order No. 95 na nagbabawal sa lahat ng uri ng pagsusugal kabilang ang online gambling sa loob ng mga opisina ng gobyerno.
Kasama sa pagbabawal ang card games, betting, numbers games, at mga online platform tulad ng Scatter. Ayon kay Siao, ang pagsusugal sa opisina ay nakakasira ng trabaho, nagdudulot ng unproductive behavior, at maaaring magbukas ng pinto sa korapsyon at hindi tamang gawain.
Sakop ng utos ang lahat ng departamento, ahensya, at pasilidad ng lungsod. Ang mga empleyado at opisyal na lalabag ay maaaring patawan ng parusang administratibo mula reprimand, suspensyon, hanggang dismissal, bukod pa sa posibleng kaso kriminal. Para naman sa mga hindi empleyado, una silang pagbabawalan at kung magpapatuloy ay ipapalabas sa lugar, na may posibilidad din ng legal na aksyon.
Ang mga department head ay inatasang magpatupad ng mahigpit na pagbabantay. Hinihikayat din ang lahat ng empleyado na mag-report agad ng anumang kaso ng pagsusugal sa kanilang supervisor para sa mabilis na aksyon.
Ang hakbang na ito ay sinusuportahan ng ilang mambabatas na nananawagan ng pambansang pagbabawal sa online gambling. May mga panukalang batas na nagsusulong ng mas mahigpit na regulasyon at total ban, kabilang ang pagtanggal ng mga gambling link mula sa mga e-wallet apps.