
Ang Pangulong Ferdinand Marcos ay muling iginiit ang kahalagahan ng kapayapaan at katatagan sa Taiwan at ang mapayapang pag-aayos ng sigalot. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), binigyang-diin ng Pangulo ang kaligtasan at kapakanan ng mahigit 100,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Taiwan.
Binigyang-diin ng Pangulo na dahil sa lapit ng lokasyon, anumang gulo sa Taiwan ay maaaring makaapekto sa Pilipinas. Bagama’t nananatili ang bansa sa One-China Policy at hindi nakikialam sa internal na usapin ng China, patuloy nitong isinusulong ang dayalogo, katatagan sa rehiyon, at mapayapang pagresolba ng alitan.
Nagbabala naman ang China laban sa mga bansang gumagamit sa isyu ng Taiwan upang magpalakas ng puwersang militar sa rehiyon. Ayon sa kanila, ang usapin ng Taiwan ay panloob na usapin ng China at anumang panghihimasok ay magdudulot ng mas matinding tensyon.
Sa kabila nito, tiniyak ng Taiwan na hindi ito susuko o mang-uudyok ng gulo, kahit na nahaharap sa matinding banta mula sa kanilang pinakamalaking kapitbahay. Samantala, ayon sa US Defense Department, patuloy ang malawakang pagpapalakas ng militar ng China, kabilang ang sandatang nuklear, cyber, at pangkalawakan. Layunin umano ng China na mangibabaw sa Indo-Pacific at palitan ang Estados Unidos bilang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.
Ayon sa ulat, iniutos ni President Xi Jinping na dapat handa ang People’s Liberation Army na sakupin ang Taiwan bago sumapit ang 2027. Naniniwala ang Estados Unidos na ang mas malakas na alyansa ay nakakapigil sa agresyon at nagbibigay ng hamon sa mga kalaban.