
Ang Manila Police District ay nagpahayag na hindi bomba ang sanhi ng pagsabog malapit sa PNR riles sa kanto ng Dagupan Street at Tayuman Street, Tondo noong Linggo ng hapon.
Ayon kay Police Lt. Col. Gilbert Cruz, base sa paunang imbestigasyon ng EOD at Bureau of Fire Protection, ang pagsabog ay galing sa isang air compressor at hindi explosive device.
Unang naiulat na apat ang malubhang nasugatan sa pagsabog bandang 2:30 p.m. Sinabi ni Jam Mariano, isang bumbero at medic, na may pasyente na naputol ang kamay, isa ang tinamaan sa panga, at isa pang senior citizen ay butas ang pisngi.
Dagdag ni Cruz, ang mga sugatan ay natagpuang binabaklas ang compressor nang ito’y sumabog. Pinupukpok umano ito upang makuha ang tanso na maaaring ibenta.
Kinumpirma ni Jay Dela Fuente na umabot na sa anim ang sugatan. Sagot ng Manila City government ang gastusin sa kanilang pagpapagamot, na inaasahang aabot sa ₱150,000–₱300,000 depende sa kalagayan ng mga biktima.