Ang isang babae ay nasawi sa malagim na aksidente ng hit-and-run sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Bigaa, Legazpi City kahapon madaling-araw.
Natagpuang duguan at wala nang buhay ang biktima na kinilalang si Dominga, 40-anyos, residente ng lugar. Naputol ang kanyang kaliwang binti at hiwalay na ito sa katawan nang dumating ang mga rumespondeng pulis.
Bandang 12:45 ng madaling araw, nagulat ang mga residente nang makita ang katawan ng biktima sa tabi ng kalsada. Agad silang humingi ng tulong at isinugod pa ito sa Legazpi City Hospital, ngunit idineklarang patay.
Ayon kay Executive Master Sgt. Carlo Paña, posibleng nabundol ng hindi pa tukoy na sasakyan ang biktima. Dahil dito, naputol ang kanyang binti na naipit sa matulis na steel fence ng tulay at nakaladkad pa siya ng halos 10 metro, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.