Ang karumal-dumal na krimen ay naganap sa Kibawe, Bukidnon, kung saan isang 75-anyos na lola na tinawag na Lola Mameng ang sinunog nang buhay matapos mapagkamalang mangkukulam ng isang lalaki na dating drug user.
Ayon sa report, bago magtanghali noong Hulyo 26, hinarang ng suspect na si Berto, 37-anyos, ang matanda. Pinaghahampas niya ito gamit ang tuyong palapa ng niyog hanggang mawalan ng malay.
Pagkatapos, tinambakan ni Berto ang katawan ng mga tuyong dahon, bunot, at kahoy bago ito sinilaban. Pinaniniwalaang may pulso pa ang biktima nang sunugin.
Sinabi ni P/Major Jayvee Babaan ng Bukidnon Police na posibleng may problema sa pag-iisip ang suspect na dati nang sumuko sa drug campaign.
Pagkalipas ng dalawang araw, boluntaryong sumuko ang suspect sa mga awtoridad at kasalukuyang iniimbestigahan ang kaso.