
Ang tatlong lalaki at dalawang menor de edad ay naaresto matapos magnakaw ng higit 30 laptops sa isang paaralan sa Barangay 905, Sta. Ana, Maynila. Ayon sa pulisya, pinasok ng grupo ang school sa kasagsagan ng bagyo at kinuha ang 32 government-owned laptops at 2 personal na pagmamay-ari ng mga guro.
Nalaman lang ng school ang pagkawala ng laptops matapos ang bagyo. Ayon kay Kagawad Edwin Zambrona, ilang beses pinasok ng mga suspek ang paaralan gamit ang butas sa likod ng pader. Nadiskubre ng mga guro noong Hulyo 29 na nawawala ang mga gamit, kaya nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya. Nakita rin na sira ang pinto ng faculty room at nabuksan ang steel cabinet.
Isang barangay tanod ang nakakita sa limang lalaki na may dalang sako malapit sa pader ng paaralan. Nang sitahin, naglakad sila pero biglang nagtakbuhan. Dahil dito, nagsagawa ng follow-up operation ang pulis at naaresto ang mga suspek sa parehong araw. Nahuli ang tatlong lalaki na edad 19, 23, at 35, pati dalawang menor de edad na edad 15 at 17.
Ayon sa imbestigasyon, mga menor de edad ang utak ng pagnanakaw. Sinasabing ibinenta o sinangla ng grupo ang mga laptop. Depensa ng isa, “Inaya lang po ako ng kaibigan ko.” Isa pang suspek ang umaming ipinagbili niya ang laptop sa halagang ₱1,000. Umabot sa ₱1.2 milyon ang halaga ng mga ninakaw na kagamitan.
Narekober ng pulisya ang 7 laptops—dalawa ay pagmamay-ari ng guro, at lima ay sa gobyerno. Patuloy ang imbestigasyon para mahanap ang natitirang laptops. Nakakulong na ang tatlong lalaki at nahaharap sa kasong robbery. Ang dalawang menor de edad ay dinala sa DSWD. Paalala ng pulisya: Huwag bumili ng laptop na walang resibo o proof of ownership para iwas sa Anti-Fencing Law.