
Ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nanawagan sa Kongreso na aprubahan ang mga panukalang batas na layong palakasin ang resilience ng Pilipinas laban sa sakuna, tiyakin ang water at food security, protektahan ang kalikasan, at isulong ang mabuting pamamahala. Ito ay matapos ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) kung saan binigyang-diin niya ang pangangailangang magtulungan upang makamit ang mga target ng administrasyon.
Kabilang sa mahahalagang panukala ang National Land Use Act para sa maayos na paggamit ng lupain ng bansa at ang Department of Water Resources (DWR) Act para sa water security. Nais din ng administrasyon na amyendahan ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act upang mas mapalakas ang kapasidad ng NDRRMC at OCD sa pagharap sa mga sakuna at panganib.
Bukod dito, hinihikayat ng Pangulo ang Kongreso na ipasa ang apat na batas na may kinalaman sa pangangalaga ng kapaligiran at climate resilience: excise tax sa single-use plastics, Blue Economy Act, waste-to-energy bill, at mga amyenda sa Electric Power Industry Reform Act para mapalakas ang Energy Regulatory Commission.
Kasama rin sa mga prayoridad ang pagpasa ng New Government Auditing Code at Budget Modernization Act. Dagdag pa rito, nais ng Pangulo na amyendahan ang batas ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act para maging mas epektibo ang tulong sa mahihirap at magsasaka.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., malalampasan ng bansa ang sakuna at epekto ng climate change sa pamamagitan ng science, technology, at disiplina. Binanggit niya ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng doppler radars, landslide sensors, mobile command vehicles, at AI-powered forecasting tools upang mapahusay ang paghahanda at pagresponde sa mga sakuna.