Ang isang 2-taong gulang na bata sa India ay kinagat ang isang cobra hanggang mamatay matapos itong gumapang at balutin ang kanyang kamay.
Ayon sa ulat ng The Times of India, ang bata na kinilala bilang Govinda ay naglalaro sa kanilang bahay sa Bettiah nang mapansin niya ang ahas. Dahil sa pagiging mausisa, hinagisan niya ito ng piraso ng ladrilyo. Gumanti ang cobra at binalot ang kamay ng bata, ngunit imbes na umiyak o tumakbo, gumawa siya ng nakakagulat na hakbang.
“Pagkakita namin ng ahas sa kamay ng bata, agad kaming lumapit, pero bago pa kami makalapit, nakagat na niya ang ahas at napatay ito,” ayon sa lola ng bata.
Matapos ang insidente, nawalan ng malay ang bata at agad dinala sa health center bago siya inilipat sa Government Medical College Hospital. Patay ang ahas matapos magdulot ng pinsala ang kagat ni Govinda sa ulo at bibig ng cobra.
Ayon sa mga doktor, ligtas na ngayon si Govinda matapos maagapan ang paggamot. Naalala ng pamilya ang kwento sa mitolohiyang Hindu kung saan tinalo ni Krishna, na kilala rin bilang Govinda, ang serpenteng si Kaliya. India ay tahanan ng mahigit 300 uri ng ahas, kabilang ang mga nakamamatay na species gaya ng Indian cobra.