
Ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagpahayag na handa ang Pilipinas na tumulong para maibalik ang kapayapaan sa Thailand at Cambodia na kasalukuyang may alitan sa hangganan. Sa kanyang pahayag noong Sabado ng gabi, hinimok niya ang dalawang bansa na lutasin ang sigalot sa mapayapang paraan at ayon sa batas internasyonal.
Ayon kay Marcos, "Naniniwala ang Pilipinas na dapat maresolba ang kanilang hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng peaceful settlement at international law." Nagbigay din ng pahayag ang Department of Foreign Affairs noong Hulyo 25 na nananawagan sa dalawang bansa na iwasan ang karahasan at mag-de-escalate ng tensyon.
Nagsimula ang labanan noong Hulyo 24 malapit sa lugar ng Ta Muen Thom temple. Nagkaroon ng palitan ng putok, artileriya, at airstrikes gamit ang Thai F-16 fighter jets. Umano’y dahil ito sa pagsabog ng landmine na ikinasugat ng mga sundalong Thai. Sinisi ng Thailand ang Cambodia sa bagong mga mina, ngunit itinanggi ito ng Cambodia at binaligtad ang paratang.
Sa ngayon, umabot na sa 32 katao ang nasawi at higit 130 sugatan, kabilang ang mga sibilyan. Tinatayang 120,000 residente ang lumikas mula sa border area. Isinara ang ilang paaralan at ospital para sa kaligtasan. Nagdeklara ang Thailand ng martial law sa walong distrito malapit sa hangganan, habang napagkasunduan ng dalawang bansa na magpulong para sa ceasefire talks.