
Ang 79-anyos na lola at isang 24-anyos na Indian national ay nasawi sa dalawang magkahiwalay na motorcycle accident sa Cebu City nitong Lunes ng umaga, Hulyo 21.
Alas-4:57 ng umaga sa Archbishop Reyes Avenue, tinamaan ng motorcycle ang matandang babae habang tumatawid siya sa kalsada. Ayon sa driver, hindi niya napansin agad ang lola na biglang tumawid. Sinubukan niyang prumeno pero huli na. Nadala pa sa ospital ang biktima pero dead on arrival na siya ayon sa doktor.
Ang biktima ay taga-Barangay Kamputhaw. Nakipag-ayos na umano ang pamilya ng lola sa driver na nangakong sasagot sa lahat ng funeral expenses.
Bandang alas-5:10 ng umaga naman sa Governor Cuenco Avenue sa Barangay Banilad, namatay ang Indian national na si Chetan Halvidiya, 24 anyos, matapos sumalpok ang kanyang motor sa gutter ng flyover. Naitapon siya sa kalsada at tumama ng malakas sa semento.
Base sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police, lasing umano si Halvidiya noong oras ng insidente. Ayon sa kanyang kaibigang Indian na kasabay niyang nagmamaneho, galing sila sa inuman at mabilis ang takbo ng biktima.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara rin siyang dead on arrival.