Ang isang German doktor na si Johannes M., 40-anyos, ay nahaharap ngayon sa paglilitis matapos akusahan sa pagpatay sa 15 pasyente mula 2021 hanggang 2024 sa Berlin. Ayon sa mga imbestigador, pinaslang niya ang 12 babae at 3 lalaki sa pamamagitan ng nakamamatay na iniksyon at sa ilang kaso ay sinunog pa ang bahay ng mga biktima upang itago ang ebidensya.
Ayon sa prosekusyon, nagkunwaring nag-aalaga si Johannes M. ngunit may balak talaga na patayin ang mga pasyente sa kanilang bahay. Ginamit niya ang tiwala ng mga ito bilang doktor at umasta umano na parang "may kontrol sa buhay at kamatayan."
Nabisto si Johannes M. matapos magduda ang isang katrabaho nang mapansin ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga pasyente sa sunog. Una, apat lang ang kasong isinampa sa kanya, pero sa patuloy na imbestigasyon, nadiskubre pang mas marami pang kahina-hinalang pagkamatay—kasama na ang kanyang biyenan sa Poland.
Ayon sa mga ulat, gumagamit siya ng muscle relaxant na nagpaparalisa ng paghinga ng pasyente at nagiging sanhi ng kamatayan sa loob ng ilang minuto. Sa limang kaso, sinilaban pa niya ang bahay ng biktima matapos ang pagpatay. Sa isang insidente, dalawang tao ang pinatay niya sa loob ng isang araw.
Walang malinaw na motibo si Johannes M. maliban sa pagpatay. Nakatakda siyang humarap sa 35 pagdinig hanggang 2026, at inaasahang habambuhay na pagkakakulong ang hihilingin ng prosekusyon. Ang kaso ay naihahambing sa kilalang nurse na si Niels Hoegel, na nahatulan din sa pagpatay ng 85 pasyente.