Ang TikTok seller na si Miss Nofez ay kinaaliwan online dahil sa kakaiba niyang paraan ng live selling. Suot ang puting tela mula ulo hanggang paa, ginaya niya ang itsura ng mannequin habang ipinapakita ang kanyang mga paninda.
Nag-viral ang video ni Miss Nofez matapos itong i-repost sa Instagram ng page na @kabulastugan, isang account na kilala sa pagbabahagi ng mga nakakatawa at viral na content. Ayon sa caption, “Shy type ka pero need bumenta.”
Ang tawag sa kanya na “Nofez” ay galing sa salitang "no face", bagay na swak sa kanyang itsura tuwing live. Maraming netizens ang natuwa, at pati mga artista tulad nina Vina Morales at Aubrey Miles ay nagbigay ng papuri.
Sabi ni Vina, “Hahaha galing niya, maabilidad, saludo ako!” habang sabi naman ni Aubrey, “Wow, this is dedication…” May mga netizen ding nagsabing mas napapansin ang mga damit dahil sa pagiging simple ng presentation.
Para sa ilang nanonood, ang ganitong paraan ay nakakatulong sa mahiyain pero madiskarteng seller. Ayon sa isang comment: “Mas lutang yung damit, galing ng ideya niya.”