
Ang matinding trapiko ay dulot ng magkakasunod na aksidente na kinasangkutan ng tatlong truck sa EDSA Northbound lane, sa bahagi ng Quezon Avenue Flyover, madaling araw ng Miyerkoles. Dalawa ang bahagyang nasugatan sa insidente.
Pasado alas tres ng madaling araw, isang dump truck ang inararo ang mga barrier, kaya natanggal ang isang gulong nito sa harapan. Pumailalim ang ilang barrier sa truck at ang iba ay natumba sa kalsada. Ayon sa MMDA, 14 na concrete barrier, 3 plastic barrier, at 1 signage ang nabangga ng truck.
Nag-deliver ang truck ng buhangin sa Taguig at pabalik na sana sa Porac, Pampanga nang mangyari ang insidente. Paliwanag ng driver, nakatulog siya kaya nawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan. Titiketan ang driver para sa reckless driving at i-impound ng MMDA ang sasakyan.
Makalipas ang 30 minuto, sumalpok naman ang isa pang dump truck sa isa pang truck sa Quezon Avenue flyover. Nabasag ang windshield ng dump truck na galing sa Sta. Rosa, Laguna at pabalik na sa Pampanga. Bahagyang nasugatan ang driver at pahinante nito. Ang nabanggang truck ay may sakay na tatlumpu’t limang motorsiklo na ide-deliver sa Bulacan.