
Ang senador na si Alan Peter Cayetano ay nagsumite ng resolusyon na humihiling sa gobyerno ng Pilipinas na makiusap sa International Criminal Court (ICC) para pahintulutan ang house arrest ni dating pangulong Rodrigo Duterte habang nililitis sa kasong crimes against humanity. Ayon kay Cayetano, dahil sa edad, lumalalang kalusugan, at pagkakahiwalay sa pamilya, nararapat lamang na sa embahada ng Pilipinas sa The Hague manatili si Duterte habang naghihintay ng desisyon.
Ipinunto ni Cayetano na karapat-dapat si Duterte sa presumption of innocence at paggalang bilang dating pangulo. Binigyang halimbawa rin niya ang kaso ni Jean-Pierre Bemba Gombo mula Congo noong 2009, kung saan pinayagan ito ng ICC na maghintay ng desisyon habang nasa house arrest.
Hinimok ng senador ang pamahalaan na ipaglaban ang pansamantalang paglaya ni Duterte at ayusin ang mga kinakailangang kasunduan sa ICC. Ayon sa kanya, isang anyo ng awa at respeto ito para kay Duterte na nagnanais makasama ang kanyang pamilya sa huling bahagi ng kanyang buhay.
Habang nakakulong sa The Hague, kinausap ni Duterte ang kanyang 12-anyos na apo, at sinabing “hindi lahat ng nakakulong ay masama.” Giit niya, nasa kulungan siya hindi dahil sa krimen kundi dahil sa paglaban sa droga para sa bansa.
Vice President Sara Duterte naman ang nagsabing maraming kaalyado ng kanyang ama ang nawala sa eksena noong ito ay inaresto. Ngunit kanyang pinuri si Sen. Imee Marcos na tahimik pero tumulong sa kaso sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa abogado ni Duterte sa The Hague.