Ang mga tauhan ng NBI ay nakasamsam ng mahigit P8.1 milyong halaga ng hindi rehistradong vape mula sa isang online shop sa Sta. Cruz, Maynila noong Hulyo 3. Sa isinagawang operasyon, limang suspek ang nahuli at agad na ipinrisinta sa media.
Ang mga suspek na kinilalang sina alyas Vincent, Christian, John Rey, Renz, at Mercy ay sinampahan ng kaso sa Manila City Prosecutor’s Office. Kinasuhan sila ng paglabag sa RA 11900 (Vape Regulation Act), RA 10175 (Cybercrime Law), at RA 7394 (Consumer Act).
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ginagamit ng grupo ang social media, lalo na ang facebook.com/port2pasok, sa pagbebenta ng mga unregistered vape products. Matapos ang isinagawang surveillance at test-buy, nakumpirma ng DTI na ang mga produktong kanilang nakuha ay hindi rehistrado.
Kasama ang mga kinatawan ng DTI - OSMV, sinalakay ang shop sa Felix Huertas St. at inabutan ang mga suspek habang nagbebenta. Nasamsam ang 25,653 vape items mula sa brands na “Haze”, “Astra”, at “Black Market” na may halagang P8,164,570.00.
Ang NBI ay patuloy na nagbabantay sa mga online seller na hindi sumusunod sa batas kaugnay ng vape products upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.