
Ang dalawang motorcycle rider ay nasugatan matapos ang banggaan sa Commonwealth Avenue, sa tapat ng Commonwealth Elementary School noong Miyerkules ng madaling-araw. Sa CCTV, makikita ang isang bus na nakahinto sa motorcycle lane. Maya-maya pa, isang paparating na motorsiklo ang bumangga sa isang delivery rider na nakatigil sa likod ng bus.
Ayon sa bus driver na 40-anyos at pa-Fairview ang biyahe, "Nakahinto kami, nagbababa ng pasahero. Biglang may bumangga sa likod ko. Paalis na nga kami nun." Maliban sa kaunting sira sa bumper, walang malaking pinsala sa bus.
Nasugatan sa mata, noo, at tuhod ang 39-anyos na delivery rider. Aniya, "Nasa motor lane lang ako, pauwi na sa Montalban, bigla akong binangga sa likod." Dagdag pa niya, "Sana mabigyan ng hustisya... pero wala akong pangkaso, may pamilya akong binubuhay."
Sugatan din ang rider na unang bumangga, pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag. Ayon sa mga saksi, lasing daw siya. Ambulansya ng barangay ang agad nagdala sa kanilang dalawa sa ospital.
Ayon kay Gloria Taaca, medic ng Barangay Commonwealth, "Dapat mag-ingat ang mga rider lalo na kung naka-inom." Payo rin niya na magbagal at magdoble ingat, lalo na’t accident-prone ang Commonwealth Avenue. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 5.