
Ang Inter Miami at si Lionel Messi ay sabik na harapin ang Paris Saint-Germain (PSG) sa Club World Cup. Ayon kay Coach Javier Mascherano, ang dating masamang karanasan ni Messi sa PSG ay maaaring magbigay ng lakas at inspirasyon sa kanilang laban sa Atlanta sa Linggo (Lunes sa Manila). Aniya, “Mas mabuti kung may galit si Leo, kasi kapag may gusto siyang patunayan, mas lalo siyang lumalaban.”
Ang Miami ay naka-surprise qualify sa Group A matapos talunin ang Porto at makakuha ng draw laban sa Palmeiras at Al Ahly. Kahit underdog, handa umano silang ibigay ang lahat. Sabi ni Mascherano, kailangan nila ng "perfect game" para magkaroon ng tsansang manalo laban sa bagong anyong PSG sa ilalim ni Coach Luis Enrique.
Ibinahagi ni Messi na hindi naging masaya ang dalawang taon niya sa Paris. “Hindi ko na-enjoy. Hirap ako sa araw-araw na training at games. Mahirap mag-adjust,” ani ng eight-time Ballon d'Or winner. Pero ngayon, masaya na siyang maglaro sa Estados Unidos.
Sa kabilang panig, muling makakaharap ni Messi at ng kanyang mga dating kakampi tulad nina Luis Suarez, Sergio Busquets, at Jordi Alba ang kanilang dating coach sa Barcelona, si Luis Enrique. Sabi ni Alba, “Para sa akin, siya ang pinakamagaling. Excited ako makita siya, pero kapag nag-umpisa na ang laro, laban na.”
Ibinahagi rin ni Suarez ang respeto niya kay Enrique. “Siya at si Maestro Tabarez ang pinaka-importanteng coach sa career ko. Tinuruan niya ako kung paano gumalaw kahit hindi hawak ang bola. Malaki ang utang na loob ko sa kanya.”
Mascherano, na ngayon ay coach ng Inter Miami, ay kaibigan pa rin ni Enrique. Pero sa laban, aniya, “Sana sa amin mapunta ang swerte.”