
Ang isang Chinese na lalaki ay nasugatan matapos barilin ng kanyang kababayan sa loob ng Prime Luck Casino sa Binondo, Maynila noong madaling-araw ng Hunyo 17, 2025. Kinilala ang biktima na si Guihua I Fan, 56-anyos, nakatira sa Sevilla St., Caloocan City.
Ayon sa imbestigasyon, pagpasok ng biktima sa casino sa kanto ng Sabino Padilla at Ongpin, agad niyang nilapitan ang suspek na si alyas "Mr. Lee" at sinampal ito. Nauwi ito sa pagsusuntukan, hanggang bumunot ng baril ang suspek at binaril ang biktima sa tiyan.
Nang dumating ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), wala na sa lugar ang suspek. Patuloy siyang tinutugis ng mga awtoridad.
Agad namang dinala ang biktima sa Metropolitan Hospital para malapatan ng lunas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang tunay na motibo sa insidente.