
Ang isang baka ay nakawala mula sa isang palaro sa Cataingan, Masbate noong Sabado, Hunyo 21. Ito ay parte ng Juego del Toro, isang palaro na sinalihan ng mga kawani ng DRRM mula sa iba’t ibang lalawigan sa Bicol.
Sa halip na mapigil, dumiretso ito sa dagat at lumangoy palayo sa pampang. Mabuti na lamang at na-rescue agad ang hayop nang mapansin ito ng mga miyembro ng Coast Guard na nagpa-patrol sa lugar.
Ayon kay Lt. John Louis Sibayan ng Coast Guard Masbate, hindi naging madali ang pagsagip sa baka dahil ito ay nagpupumiglas habang sinasagip. Umabot ng 15 hanggang 30 minuto ang buong operasyon.
Tinatayang halos 2 kilometro ang nalangoy ng baka bago ito tuluyang nailigtas. Walang nasaktan sa insidente at ligtas nang naibalik ang hayop.
Ang insidenteng ito ay naging usap-usapan sa lugar dahil sa kakaibang ginawa ng baka sa gitna ng palaro.