
Ang dalawang Chinese nationals na dating nagtatrabaho sa POGO ay nahuli sa NAIA Terminal 3 noong Hulyo 20 matapos magpakita ng pekeng Emigration Exit Clearance (ECC) habang papasok sa isang flight pa-Hong Kong.
Kinilala ang mga dayuhan na sina Yu Ziming, 32, at Wu Liping, 30. Sila ay pinigil ng Immigration Protection and Border Enforcement Section matapos mapansing peke ang kanilang ipinakitang dokumento.
Ang ECC ay isang mahalagang dokumento para sa mga banyaga na nagtatrabaho sa Pilipinas at nais nang umalis ng bansa nang permanente. Kapag walang tamang ECC, hindi sila pwedeng payagang makalabas.
Pagkatapos mahuli, ang dalawang Chinese ay agad na ini-turn over sa legal division ng immigration para sampahan ng kaukulang reklamo. Inilipat sila sa warden facility habang hinihintay ang kanilang deportation proceedings.
Noong Hunyo 17, 100 dating POGO workers din ang na-deport dahil sa pagkakasangkot sa mga scam na trabaho, kasabay ng mas mahigpit na patakaran ng immigration mula Marso 2025.