Ang matagal nang inaasam na P200 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Pilipinas ay hindi pa rin naipasa. Sa pag-adjourn ng 19th Congress, nabigo ang Senado at Kamara na magkasundo sa iisang bersyon ng wage hike bill. Dahil dito, muling naiwang walang pagtaas sa sahod ang mga manggagawa.
Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, malaki pa rin ang agwat ng kasalukuyang sahod sa tinatawag na "makataong sahod." Sa Metro Manila, dapat ay nasa ₱1,217 ang arawang sahod para sa simpleng buhay, ngunit ang umiiral na minimum wage ay nasa ₱608 hanggang ₱645 lamang. Sa ibang rehiyon, ang kinakailangang sahod ay mula ₱872 hanggang ₱2,030, ngunit mas mababa pa rin ang aktwal na natatanggap ng mga manggagawa.
Ang Senado ay nakapasa na ng ₱100 wage hike noon pang Pebrero 2024, habang ang Kamara ay nagpatibay ng ₱200 wage hike noong Hunyo 2025. Kung naipasa sana, ito ang magiging kauna-unahang nationwide wage increase mula noong Wage Rationalization Act ng 1989. Ngunit ayon kay Senate President Chiz Escudero, hindi ito naging prayoridad ng pamahalaan at wala ring urgency certification mula kay Pangulong Marcos Jr.
Ipinahayag ng economic managers na ang wage hike ay posibleng magdulot ng pagtaas ng inflation at kawalan ng trabaho. Halimbawa, kung itutuloy ang ₱200 dagdag-sahod, posibleng tumaas ang inflation ng 2% at ang unemployment ng 0.6%. Dagdag pa nila, karamihan sa mga negosyo ay micro, small at medium enterprises (MSMEs) na maaaring hindi kayanin ang dagdag-gastos.
Ngunit mariing tumutol ang Ibon Foundation at sinabing ang ₱200 dagdag-sahod ay posible at makakabuti sa kabuhayan ng mga pamilya. Ayon sa kanilang kalkulasyon, kayang-kaya ito ng mga kumpanya at hindi gaanong babagsak ang kita. Nanawagan din sila sa pamahalaan na magbigay ng subsidyo, tax cuts, at iba pang tulong para sa maliliit na negosyo. Anila, ang wage increase ay makakatulong sa household spending at sa pag-unlad ng informal economy.