
Ang isang e-bike driver ay binaril sa broad daylight sa kanto ng B. Aranas at Carlock Streets, Barangay San Nicolas Proper, Cebu City, nitong Linggo ng umaga, Hunyo 22. Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng tatlong putok ng baril bandang alas-7 ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Ronnie Aya-ay Lawas, 33-anyos, taga Peace Valley, Barangay Lahug pero kasalukuyang nakatira sa Sitio Kastilaan, Barangay Ermita. Ayon sa ulat ng pulisya, natagpuan si Lawas na wala nang buhay sa kanyang e-bike. Tinangkang i-revive ng mga medic bago dalhin sa Cebu City Medical Center, pero idineklarang patay na.
May maraming tama ng bala sa katawan si Lawas. Hanggang ngayon ay inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril. Wala ring malinaw na saksi na lumutang sa imbestigasyon.
Isang e-bike driver sa lugar, si Louie Gomez, ang nagsabing hindi niya kilala ang biktima. Ayon sa kanya, “Hindi talaga siya taga-rito. Baka nadaan lang at na-timingan dito siya tinira.”
Patuloy ang paghahanap ng pulisya sa salarin at posibleng mga nakakita sa insidente.