
Ang isang senior citizen sa Tondo, Maynila ay naging biktima ng panlilinlang nitong June 15. Ayon sa kaanak, pauwi na ang lola mula palengke nang lapitan ng isang lalaki at babaeng kasabwat. Hinikayat siya ng mga ito na sumama sa isang sasakyang nakaparada, at doon na nagsimula ang insidente.
Pagkasakay niya sa kotse, may dalawa pang tao sa loob—isang driver at isa pang babae. Doon na nagdeklara ng holdap ang grupo. Sinaktan umano nila ang lola at sapilitang kinuha ang dala niyang ₱40,000 pati na rin ang kanyang mga alahas. Pinalo pa siya sa mukha dahil sa pagpalag, ayon sa kanyang kaanak.
Ilang sandali pa, piniringan ang matanda at ibinaba siya sa may Divisoria. Binigyan pa siya ng pamasahe at mga ID bago tumakas ang mga suspek. Pagkauwi, agad niyang isinumbong ang nangyari sa kanyang pamilya.
Lumapit sa barangay ang pamilya ng biktima at nakuha sa CCTV ang paglapit ng mga suspek. Parehong nakamask at may sumbrero, kaya’t hindi sila agad nakilala. Naka-coordinate na rin sila sa pulisya para sa imbestigasyon.
Babala ng awtoridad: umiwas magdala ng malaking pera o mamahaling gamit lalo na kung mamamalengke. Karaniwang target ng ganitong modus ay mga nakatatanda.