Ang isang insidente ng pamamaril ay naganap sa palengke ng Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Hunyo 19, Huwebes ng gabi. Ayon sa CCTV, makikita ang 18-anyos na suspek na may dalang body bag, at makalipas ang ilang segundo ay bumunot ng baril at binaril ang 21-anyos na lalaki.
Tinamaan sa likod ang lalaki habang nadaplisan naman ang isang 18-anyos na tindera na nagtitinda malapit sa pinangyarihan. Sabi ng pulisya, nag-ugat ito sa masamang tinginan ng suspek at biktima. Naunang sinabi ng biktima na babarilin ang suspek, kaya umuwi ito para kumuha ng baril at binalikan ang biktima.
Ayon kay PLtCol. Paul Sabulao, mabilis na rumesponde ang pulisya at agad naaresto ang suspek. Tumakbo raw ang biktima sa direksyon ng mga pulis kaya natunton ang pinaghinalaan.
Paliwanag ng suspek, inakala raw ng biktima na miyembro siya ng gang kaya siya pinagbantaan. Dahil sa takot, siya ay gumanti. Giit pa niya, hindi siya gumagamit ng droga at kaibigan daw niya ang nagbigay ng baril.
Kasong Frustrated Murder, Frustrated Homicide, at Illegal Possession of Firearms ang haharapin ng suspek. Sa ngayon, nasa ospital pa ang dalawang biktima habang patuloy ang imbestigasyon sa baril na ginamit.