Ang mga estudyante sa San Fernando City, La Union ay hindi na pinapayagang gumamit ng backpack sa eskwelahan. Ayon kay Schools Division Superintendent Shiela Marie Primicias, mas ligtas kung transparent na bag ang gagamitin para madaling makita ang laman nito.
Layunin ng pagbabawal na ito ay ang maiwasan ang pagdadala ng bawal na gamit tulad ng sigarilyo, vape, matutulis na bagay, baril, bala, at iba pang delikadong kagamitan. Inilabas ito sa pamamagitan ng opisyal na memorandum para sa lahat ng school heads sa lungsod.
Dagdag ni Primicias, ito ay bahagi ng hakbang para masigurong ligtas at maayos ang pag-aaral ng mga bata. Pinaalalahanan din ang mga guro na magpatupad ng nasabing panuntunan sa kani-kanilang paaralan.
Nag-deploy din ang mga pulis ng karagdagang puwersa sa mga paaralan sa Central Luzon. Ayon kay Brig. Gen. Jean Fajardo, mayroong 420 pulis na tumutulong upang mapanatili ang katahimikan at seguridad.
Mayroon ding 225 police assistance desks sa paligid ng mga paaralan. Layunin nito na agad makatugon sa mga ulat ng bullying, nakawan, snatching, at iba pang krimen.