
Ang pamahalaan ng Malaysia ay nagsampa ng kasong sibil laban sa Telegram dahil sa umano'y pagkalat ng malisyosong nilalaman na maaaring makasira ng tiwala ng publiko sa mga institusyon at magdulot ng kaguluhan sa lipunan.
Ayon sa Malaysian Communications and Multimedia Commission (MCMC), ito ang kauna-unahang legal na hakbang laban sa isang social media platform sa bansa. Sinabi rin ng ahensya na may dalawang Telegram channels — “Edisi Siasat” at “Edisi Khas” — na naglabas umano ng labag sa batas na nilalaman batay sa Communications and Multimedia Act 1998.
Ipinahayag ng MCMC na bigong tumugon ang Telegram sa mga reklamo kahit pa ilang beses nang sinubukang ayusin ang isyu sa pamamagitan ng pag-uusap. Dahil dito, naglabas ang High Court ng injunction upang pigilan ang pagkalat ng mga naturang nilalaman at upang maiwasan ang pag-uulit nito.
Sinabi ng ahensya na bibigyan ng pagkakataon ang Telegram na ipagtanggol ang kanilang panig batay sa katarungan at karapatang pantao. Binalaan din ng MCMC ang iba pang social media platforms na maaari silang harapin ng kaparehong aksyon kung lalabag sa batas ng Malaysia.
Wala pang pahayag mula sa Telegram ukol sa isyung ito sa oras ng pagsulat.