
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagbabalak palawakin ang P20/kilo rice program para sa mga minimum wage earners. Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, layunin ng ahensya na makasama ang hanggang 500,000 manggagawa bago matapos ang taon. Kasalukuyang nakikipagtulungan ang DOLE sa labor groups at iba pang kwalipikadong grupo para mapalawak ang sakop ng programa.
Noong unang rollout ng programa, 16,000 manggagawa ang nakabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo. Target ng DOLE na maabot ang 100,000 benepisyaryo ngayong Hulyo. Nakipag-ugnayan na rin ang DOLE sa mga employer para matiyak na kwalipikado ang mga manggagawang nais makinabang sa programa.
Hindi rin umano ito kapalit ng wage increase, ayon kay Laguesma. Habang nagpapatuloy ang programa, nag-umpisa na rin ang public hearing sa Metro Manila tungkol sa umento sa sahod, at susunod na ang ibang rehiyon.
Bukod sa bigas, palalawakin din ng DOLE at Department of Agriculture (DA) ang mga produktong mabibili sa murang halaga sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo program. Ilan sa mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ay makikilahok bilang supplier, retailer, o operator ng mga Kadiwa Store.
Naglaan ng P2.67 milyon para sa mga naipamahaging Kadiwa retail stores noong Labor Day sa mga organisasyon ng manggagawa sa Central Luzon, Central Visayas, at Eastern Visayas. Plano rin ng DOLE gamitin ang TUPAD para tumulong sa manpower ng mga Kadiwa project.